Friday, January 23, 2009

TSOKOLATE*

“Ang sarap talaga ng chocolate na ‘to ‘no! Ito talaga ang ‘the best chocolate’ na natikman ko in my entire life,” wika niya.
“Ha!? Anu? Favorite ko din kaya yan! Sarap talaga,” wika ko naman.


Muli at ewan ko ba kung bakit naisipan ko nanamang bumili ng favorite chocolate ko. Hindi naman siya sosyal at hindi rin naman kamahalan kaya nakabili ako. Parang walang katuturan ‘yung sinabi ko kung iisipin. Dati nga pitong piso lang ‘yun, e ngayon walong piso na. Siguro, apektado rin sila ng global financial crisis o sadyang mapagsamantala lang ang ilang mga tao.

Nasa mga kamay ko na siya. Nakabalot pa ng makinang na wrapper na kulay violet. Sa kanyang pagkabalot, parang ayaw bang magpabukas. Pero hindi, ako lang pala ang nag-iisip na ayaw niyang magpabukas. Parang alaala ng nakaraan na ayaw mo nang tingnan o tikman ang tamis, ay hindi pala – ang pait ng nakalipas.

Iniisip ko. Handa na ba akong buksang muli ang pinto patungo sa mapait na kahapon? Handa na ba akong muling tikman ito? Handa na ba akong tuluyang pasakop sa ideyang… Hindi ko magawang hindi ito buksan. Hindi ko magawang hindi ko ito tingnan. Hindi ko magawang hindi utusan ng utak ko ang aking mga daliri.

Hayan, hindi ko na talaga napigilan, nabuksan ko na nga. Ang sarap talagang nguyain ng milk-chocolate-caramel-wafer-roll-cereal-crispy-chocolate na ito. Crunchy at nanunuot ang tamis. Ang sarap talaga!

At kung iisipin, kasingsarap ng pagkawala ng laruan ng isang batang umiiyak. Kasingsarap ng pagkawala ng lata ng isang pulubi sa kalye. Kasingsarap ng pagkawala ng buhay sa loob ng sinapupunan ng isang ina.

Kalagim-lagim!

Parang ayaw mo ng mabuhay pa kapag kinuha ng pagkakataon ang mahalagang bagay sa buhay mo. ‘Yung tipong magbabago na ang tingin mo sa mundo. ‘Yung tipong maiiba na ang pananaw mo sa mga bagay bagay. Hanggang sa matulad ka na lang kay Ophelia at Othello.

Ngunit ganyan talaga ang buhay. Dalawang pagkakataong nasa dugo na ng bawat indibidwal – ang pait at tamis.

At habang nasisiyahan ako sa pagkain ng chocolate na ito ay parang may kasama ang mga alimpuyo hangin – mainit bunga ng global warming. Parang may maiinit at maliliit na boses na bumubulong ng kung anu. Parang pilit pinapaalala ang isang bagay na hindi mo alam kung babalik pa. Paulit-ulit ang musika galing sa hangin. Parang gumagawa ito ng ritmo ng isang kanta.

“Ang sarap talaga ng chocolate na ‘to ‘no! Ito talaga ang ‘the best chocolate’ na natikman ko in my entire life,” wika niya.
“Ha!?Anu? Favorite ko din kaya yan! Sarap talaga,” wika ko naman.

Habang hinihipnotismo ako ng musikang dala ng hangin at ng tamis ng chocolate na ito. Nakita kong papaaubos na ito. Paubos na. Paubos na rin ang oras ko. Ngunit hindi! Maghihintay ako. Maghihintay ako.

Alam ko. Alam ko.

Babalik siya. Babalik siya.





*Choco Mucho

No comments: